Nararamdaman ni Estong Merino, ang tinaguriang "Pinoy Bird Whisperer" sa Real, Quezon, ang matinding lungkot matapos siyang madetine ng ilang araw at makumpiska ang kaniyang mga alagang ibon dahil sa kakulangan ng permit. Tanong niya sa sarili kung maibalik pa sa kaniya ang mga ibon.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ni Estong Merino ang kaniyang hindi pangkaraniwang kakayahan na pakalmahin at tila makipag-usap sa mga ibon na kaniyang iniligtas.
Pito sa kaniyang mga alagang ibon ang tinuturing niyang tunay na pamilya, kabilang ang mga maya, uwak, at Kingfisher. Kapag malakas na ang mga ibon na kaniyang nasasagip, ibinabalik niya ito sa kalikasan.
"Walang anting, walang bertud, walang sikreto. Ang sikreto ko lang, mahal na mahal ko sila," pahayag ni Merino, na may sariling lenggwahe sa mga ibon.
Subalit pagkatapos ng pagsasalaysay ng team ng KMJS at pagbalik sa Maynila, natuklasan na inaresto si Merino at dine-detain sa presinto sa Real. Kinuha rin ng mga awtoridad ang kaniyang mga alagang ibon.
Ayon sa Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman, kanilang bina-bala si Merino upang gawing legal ang kaniyang pag-aalaga ng ibon.
"Bagama't pinapurihan natin si Estong dahil sa kaniyang pagmamalasakit sa mga hayop, kulang siya sa pangangalaga sa kalikasan dahil kailangan ng permit," pahayag ni Bryan Potestades ng Real Municipal Environment and Natural Resources Office.
Batay sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, kinakailangan ang permit para sa pag-aalaga ng mga hayop o wild animals.
Matapos ang apat na araw ng pagkakadetine, napalaya pansamantala si Merino matapos magpiyansa ng P3,000. Ngunit bumalot sa kaniya ang kalungkutan dahil nawala na ang kaniyang mga iniingatan at pinapalaki na ibon.
Muling mababalik kaya kay Merino ang kaniyang mga alagang ibon? Abangan ang buong kwento sa video.